Walang mahuhugot ang DSWD na P66.2 million budget na cash benefit para sa 662 centenarians sa ilalim ng panukalang 2023 National Budget.
Ito ang inamin ni DSWD secretary Erwin Tulfo sa isinagawang House Appropriations Panel Hearing hinggil sa panukalang 194 billion peso budget ng kagawaran para sa susunod na taon.
Ayon kay Tulfo, hindi pinagbigyan ng Department of Budget and Management ang kanilang request para sa pondo ng Centenarians Act na magbibigay sana ng 100,000 peso cash sa mga Pinoy na nakaabot sa edad 100 pataas.
Kabilang din sa unfunded items sa ilalim ng DSWD ay ang 25 billion peso budget para sa implementasyon ng 500 peso social pension hike para sa indigent senior citizens.
Hinimok naman ni Albay 1st District Rep. Edcel lagman, may-akda ng nasabing batas, ang kagawaran na maglatag ng agarang hakbang, lalo’t ang mga benepisaryo ay nasa takipsilim na ng kanilang buhay.
Samantala, umapela ang kalihim sa kongreso na itaas ang budget ng DSWD para sa assistance to individuals in crisis situations na ngayon ay nasa P19 billion lamang o mababa sa naging request ng departamento.