Patuloy ang pagsirit ng kaso ng COVID-19 sa bansa matapos pumalo sa 26,458 ang mga bagong kaso ng nasabing virus.
Ang naitalang mga bagong kaso ay itinuturing na pinakamataas simula noong September 11, 2021 kung kailan sumirit sa 26,303 ang new cases.
Dahil dito, ipinabatid ng DOH na sumipa na sa halos 3 milyon ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas kung saan naitala na rin sa 102,017 ang active cases.
Mahigit 3,000 ang asymptomatic, nasa 94,007 ang mild cases, halos 3,000 ang moderate cases, mahigit 1,000 ang severe cases at 307 ang critical condition.
Naitala naman sa mahigit 2.7 million ang total recoveries kabilang na ang mahigit 1,600 na mga bagong gumaling sa COVID-19.
Sumirit pa sa mahigit 52,000 ang death toll matapos maitala sa 265 ang mga bagong nasawi sa naturang virus.
Samantala, tumaas din ng halos apat na porsyento ang positivity rate mula sa 40% na naitala noong Biyernes.