Halos 1,000 traditional jeep pa ang papayagan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magbiyahe sa Metro Manila sa inaasahang pagsailalim na rito sa general community quarantine simula sa ika-19 ng Agosto.
Kasunod ito ng anunsyo ng sa LTFRB hinggil sa ipatutupad na mas maagang plano para sa operasyon ng public utility jeeps sa Metro Manila sa ilalim ng GCQ.
Ika-31 ng Hulyo, bago pa mabalik sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Metro Manila mula ika-4 hanggang ika-18 ng Agosto, dahil sa apela ng health community ay nagpalabas na ng memorandum ang LTFRB hinggil sa planong pagbabalik sa lansangan ng dagdag na halos 1,000 traditional PUJs simula ika-5 ng Agosto sa 15 itinakdang ruta ng walang special permit.
Subalit ibininbin muna ng LTFRB ang nasabing plano matapos pagbigyan ng pangulo ang hinihinging time out ng medical community at ilagay sa MECQ ang Metro Manila at ilang kalapit na lalawigan.