Umakyat na sa halos P1.3 billion ang halaga ng pinsalang dulot ng bagyong Karding sa sektor ng agrikultura.
Pinaka-matinding naapektuhan ang Central Luzon na pangunahing rice producing region habang damay din ang Cordillera, na major vegetable producer; Ilocos, Cagayan Valley, CALABARZON at Bicol regions.
Ayon sa Department of Agriculture, karamihan sa mga palayan at iba pang taniman ay pinadapa ng malakas na hangin at nalubog sa baha.
Aabot sa 82,158 farmers at fisherfolk habang 141,312 hectares ng agricultural land ang apektado, na may volume ng production loss na 72,231 metric tons.
Magbibigay naman ang D.A. ng tulong sa mga naapektuhang magsasaka at mangingisda, kabilang ang nasa P27 million na halaga ng binhi ng palay at P13.2 million na halaga ng binhi ng mais.
Samantala, para sa agarang rehabilitasyon ng mga apektadong lugar, maglalaan ang kagawaran ng P500 million mula sa quick response fund.