Dapat i-refund ng Department of Foreign of Affairs (DFA) ang ibinayad na passport processing fee ng mga aplikante na naapektuhan ng nangyaring data breach sa ahensiya.
Ito ang iginiit ng grupong Migrante International matapos isiwalat ni Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin na tinangay ng dating kontraktor ng DFA ang ilang mga impormasyon ng mga nag-apply ng pasaporte.
Ayon sa Migrante, nakapagtatakang hawak pa rin ng kontraktor ng DFA ang mga pribadong impormasyon ng mga passport applicant gayung na-terminate na ang kanilang kontrata.
Nakakaalarma anila ang pangyayari lalo’t nalalapit na ang midterm elections.
Dagdag pa ng Migrante, inilalagay din nito sa alanganin ang mga apektadong passport applicant na posibleng mabiktima ng identity theft o anumang pandaraya.
—-