Iginiit ni Senador Panfilo Lacson na hindi na flood control ang hinahanap ng mga Pilipino kundi ‘greed control’.
Ito’y matapos matuklasan ang malawakang katiwalian sa flood control projects, dahilan para maging palpak, substandard, at ang ilan ay guni-guni lamang.
Sinabi ni Sen. Lacson na sumobra na sa pagkaganid ang mga sangkot sa katiwalian, kung saan wala na aniyang pakialam ang mga ito sa mga posibleng nilang makalaban.
Binigyang-diin ng senador na dapat nang kasuhan ang mga sangkot sa katiwalian sa mga infrastructure projects, partikular sa flood control projects.
Samantala, naniniwala ang mambabatas na bigo ang monitoring system ng Department of Public Works and Highways kaya hindi nabantayan nang maayos ang mga proyektong pang-imprastraktura at nakalusot ang mga ito.
Tinululan naman ni Senador Lacson ang pahayag ni DPWH Sec. Manuel Bonoan na isolated lang ang ghost flood control projects sa Bulacan.
Ipinunto ng senador, mismong si Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang nakadiskubre at nagsambulat ng ghost projects sa Bulacan at iba pang mga lugar sa bansa.