Ipinag-utos ng Commission on Audit (COA) ang fraud audit sa mga flood control projects sa lalawigan ng Bulacan, na tinamaan ng mga nagdaang baha upang panagutin ang mga responsable sa mga palpak na proyekto sa buong bansa.
Batay sa nakasaad sa memo na inilabas ng COA, lahat ng supervising auditors at audit team leaders ng Department of Public Works and Highways (DPWH) district offices sa Region 3 ay inaatasan na magsumite ng lahat ng kaukulang dokumentong kailangan para sa fraud audit.
Pinatitiyak din ang kanilang kakayahang tumulong sa mga tauhan ng ahensya anumang oras sa panahon ng pag-audit.
Saklaw sa kautusan ang mga flood control projects ng DPWH sa lalawigan, na nakatanggap ng apatnapu’t apat na bilyong piso para sa flood control projects, na siyang may pinakamalaking bahagi ng pondo sa naturang rehiyon.