Kung dedikasyon lang din naman sa trabaho ang pag-uusapan, baka talunin kayo ng lalaking ito mula sa Alabama na kahit estudyante pa lang, nakitaan na agad ng kaniyang boss ng kasipagan at pagiging matyaga matapos nitong maglakad ng halos pitong oras matapos masiraan ng sasakyan para lang hindi ma-late sa unang araw niya sa trabaho.
Kung ano ang good karma ng estudyante? Eto.
Nasaktuhan na nasira ang sasakyan ng noo’y 20-anyos na college student na si Walter Carr isang gabi bago ang unang araw niya sa trabaho sa isang moving company na siyang tumutulong sa mga kliyente na maghakot at maglipat ng mga gamit.
Bagama’t nasiraan ng sasakyan at may kalayuan ang bahay ng una niyang kliyente, hindi nagpatinag si Walter at madaling araw pa lang ay nagsimula nang maglakad papunta sa trabaho.
Pagpatak ng alas kwatro ng umaga, matapos maglakad ng 14 na milya, sa kabutihang palad ay dumaan ang isang police car na nag-alok na ihatid si Walter sa kaniyang destination.
Ang matyagang si Walter, nag-viral sa social media matapos siyang i-post ng kanilang kliyente na si Jenny Lamey na siya namang nagpatunay na talaga ngang masipag ang bagong empleyado. Paano ba naman kasi, ni hindi man lang daw ito nagpahinga at agad na nagtrabaho pagdating sa kanilang bahay.
Nang makarating sa boss ni Walter na si Luke Marklin ang kwento, personal siya nitong pinasalamatan at sinurpresa pa ng isang regalo na hinding-hindi niya malilimutan.
Si Luke, iniregalo lang naman kay Walter ang personal niyang sasakyan bilang pasasalamat sa dedikasyon nito sa trabaho. Ayon pa kay Luke, sa palagay niya ay hindi si Walter ang tipo ng tao na madaling sumuko at marunong gumawa ng paraan para solusyunan ang problema.
Ang kwento na ito ay isang halimbawa ng pagiging responsable ng isang estudyante na bagama’t nag-aaral pa ay nagpakita na ng dedikasyon at kahandaan sa pagtatrabaho.
Ikaw, anong kwento ng unang araw mo sa trabaho? Sinubok ba agad ng mundo ang pasensya at pagiging matyaga mo?