Ipinagmalaki ng Philippine National Police (PNP) na mas mababa ang naitala nilang validated election related incidents o ERI ngayong 2016 elections kumpara noong mga nakaraang halalan.
Ito’y kahit may dalawang buwan pa bago matapos ang election period.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Wilben Mayor, simula noong Enero 10 hanggang Abril 26, 104 na insidente na ang kanilang naitala.
Labing-apat (14) dito ay kumpirmadong election related incidents, 15 ang non- election related incidents habang 31 ang suspected ERI na patuloy pang iniimbestigahan.
Sinabi ni Mayor na mas mababa ito sa 178 noong 2007 elections, 166 noong 2010, at 109 noong 2013.
Gun ban
Samantala, pumapalo na sa 3,750 ang bilang ng mga naaresto dahil sa paglabag sa umiiral na COMELEC gun ban.
Sa naturang bilang, 28 rito ay mga pulis.
Higit 3,600 naman ay pawang sibilyan, 18 sundalo, isang personnel mula sa Bureau of Fire Protection, at 25 elected at government officials.
Samantala, umaabot naman sa 43 ang nahuling security guards, 3 Cafgu, 6 na miyembro ng ibang law enforcement agency, 9 mula sa threat group at 9 din ang nadakip na miyembro ng private armed groups.
By Meann Tanbio | Jonathan Andal (Patrol 31)