Muling pinaalalahanan ng Department Of Health ang publiko sa pagsunod sa minimum public health standards sa kabila ng pagbaba ng alert level 3 sa National Capital Region at community quarantine classification sa ibang lugar.
Nagbabala rin si Dr. Edsel Salvana, miyembro ng DOH – Technical Advisory Group, kaugnay sa pagiging kampante ng publiko upang maiwasan ang posibleng super spreader events.
Ayon kay Salvana, hindi pa oras upang mag-relax kaya’t dapat iwasan ang mga aktibidad na maaring makapagdulot ng matinding hawaan.
Dapat anyang panatilihin ang 3Cs o Closed, Crowded at Close contact strategy kahit bumaba na ang alert status at mahalaga rin na ang mga bakunado lamang ang papayagan na magsagawa ng naturang mga aktibidad.
Binigyan diin naman ni Salvana na mas malaki ang tsansa ng hawaan tuwing pinaluluwag ang restrictions at dumarami ang nakalalabas pero maiiwasan ito kung mahigpit ang ipinatutupad na protocol.—sa panulat ni Drew Nacino