Madalas ay nagdadala ng underwater cameras ang mga diver para i-showcase at i-document ang kanilang diving experiences at skills. Pero ang babaeng ito, napahamak at hindi inaasahang nagwakas ang buhay matapos balikan ang kaniyang camera na nahulog sa dagat.
Ang buong kwento, eto.
Mayo a-dos nang sumali sa isang diving tour ang 30-anyos na si Zhang Xiaohan kasama ang labindalawa pang mga indibidwal sa kakaban island na matatagpuan sa East Kalimantan, Indonesia.
Ayon sa mga ulat, 30 meters ang lalim ng sinisid ng grupo at nang papaahon na sana ang mga ito matapos ang tatlumpung minuto ay tsaka naman nabitawan ni Zhang ang kaniyang GoPro camera.
Binalaan pa umano si Zhang ng isa sa mga tour guide na huwag nang balikan ang camera pero nagpumilit pa rin ang babae.
Makalipas ang ilang sandaling paghihintay ay hindi na umahon pa si Zhang kung kaya naghiwalay na ang mga tour guides para hanapin ito ngunit bigo sila na makita ang babae.
Matapos nilang i-report ang pagkawala ng turista ay isang joint search and rescue team ang ibinuo para hanapin ang babae.
Ayon sa Operations Chief ng Local Marine Search Agency na Basarnas na si Endrow Sasmita, natagpuan kinabukasan si Zhang sa lalim na 87 meters at agad na dinala sa ospital para sumailalim sa forensic medical examination.
Samantala, napag-alaman mula sa social media users na si Zhang ay isa palang experienced diver na mayroong divemaster certification.
Sa mga mahilig sa extreme sports diyan, mas mag-iingat na ba kayo ngayon matapos marinig ang kwento na ito?