Mahigit limampung abogado, mambabatas, at mga kinatawan ng civil society groups ang nanawagan sa International Criminal Court o I-C-C na pagkalooban ng disciplinary sanctions si Atty. Nicholas Kaufman, abogado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, dahil sa pagkalat ng disinformation.
Ayon sa mga human rights advocates at pamilya ng mga biktima ng drug war, paulit-ulit na ginugulo ni Atty. Kaufman ang mga records sa I-C-C upang itulak ang hiling na interim release ni ex-President Duterte.
Binigyang-diin ng grupo na noong Setyembre a-bente sais, mali ang paglalahad ni Atty. Kaufman sa pahayag ni Palace Press Officer at P-C-O Usec. Claire Castro nang sabihing hindi tututol ang gobyerno sa pansamantalang paglaya ni dating Pangulong Duterte.
Ngunit, sinabi lang ni Usec. Castro na tatanggapin ng Pilipinas ang anumang desisyon na gagawin ng I-C-C.
Dagdag pa ng koalisyon, noong Hunyo a-dose ay mali rin ang sinabi ni Atty. Kaufman na sumang-ayon ang I-C-C Office of the Prosecutor sa interim release ni dating Pangulong Duterte, na agad namang itinanggi ng prosecution sa sumunod na court filing.
Iginiit ng mga grupo na nagdulot ito ng kalituhan sa mga biktima at mga journalist na nag-uulat sa kaso, kaya’t hinihiling nila ang karampatang parusa para sa nasabing abogado.