Nagbabadyang sumiklab ang digmaan sa pagitan ng Saudi Arabia at Iran, ang dalawa sa pinaka-makapangyarihang bansa sa Middle East.
Ito’y makaraang direktang tukuyin ng Saudi ang Iran na nagtangkang magbagsak ng missile sa King Khalid International Airport sa kabisera na Riyadh, noong Linggo.
Ayon sa Saudi government, bagaman ang mga Houthi rebel sa Yemen ang nagpakawala ng ballistic missile, suportado naman ang naturang rebelde grupo ng Iranian Islamic Republic kaya’t isa itong “Act of War” ng Iran.
Nanindigan ang Saudi na nakahanda silang gumanti lalo’t nakumpirmang gawa sa Iran ang missile na ipinuslit sa Yemen.
Sakaling uminit ang tensyon sa pagitan ng Saudi Arabia at Iran, pinangangambahang tumaas muli ang presyo ng mga produktong petrolyo lalo’t ang dalawang nabanggit na bansa ay kabilang sa mga nangungunang oil producer at exporter sa mundo.