Nagbabala ngayon ang DFA o Department of Foreign Affairs sa mga Pilipinong naghahanap ng trabaho sa Canada.
Ayon sa DFA, nakatanggap sila ng ulat mula sa embahada ng Pilipinas sa Ottawa na maraming Pinoy ang nabibiktima ng mga kwestyunableng online recruitment.
Dahil dito, ipinaalala ng DFA na magtaka kung mataas ang ibibigay na sahod ng employer gayong wala namang hinihinging experience sa trabaho.
Tiyakin ding tumutugma ang address ng recruiting company sa postal code maging ang area code ng telepono ng recruiting company.
Maghinala din kung mali-mali ang spelling o grammar ng natanggap na job offer.
Maliban dito, peke o bogus ang mga kumpanya kung hindi ma-search sa internet ang company background nito.
Oras naman na maka-engkwentro ng mga pekeng recruiter ay agad itong isumbong sa pinakamalapit na Philippine Service Post.