Ipinanawagan na ni Philippine Chamber of Agriculture and Food Incorporated (PCAFI) President Danilo Fausto kay Pangulong Bongbong Marcos na magdeklara ng nationwide state of calamity o emergency.
Ito’y upang matugunan ang mga problema at hamong kinakaharap ng bansa sa gitna ng nagbabadyang global food crisis na pinalala ng Russia-Ukraine war, na kabilang sa mga pangunahing food producer.
Iginiit ni Fausto na mahigit 50% ng feeds supply ay nanggagaling sa Ukraine habang nagpatupad ng ban ang India at ilan pang bansa sa exportation ng kanilang feeds upang ma-protektahan ang kanilang sariling pangangailangan.
Bukod dito ay nagmahal ang abono o fertilizer kaya’t karamihan sa mga magsasaka ay hindi na gumagamit ng pataba bagay na may negatibong epekto sa food supply ng Pilipinas.
Ayon kay Fausto, kung magdedeklara ng state of calamity o emergency ay mabibigyan ng kapangyarihan ang pangulo na mamagitan sa pondo ng mga local government unit upang mapalakas ang supply at maiwasang tumaas ang presyo ng pagkain.
Makatutulong din ito sa implementasyon ng Mandanas-Garcia ruling, na inaasahang magpapataas sa pondo ng mga local government unit sa P230 billion.
Hindi naman anya basta maaaring paki-alaman ng pangulo ang pondo ng mga lgu kaya’t kailangan ng karagdagang kapangyarihan.
Sa katunayan anya ay halos wala ng pondo ang pamahalaan nang magpalit ng administrasyon kaya’t dapat ikunsidera ang pagdedeklara ng state of calamity o emergency sa lalong madaling panahon bukod pa sa pagbibigay ng subsidiya sa mga food producer.