Nagpaliwanag ang medical adviser sa National Task Force Against COVID-19 hinggil sa tumataas na bilang ng mga namamatay na mild at asymptomatic cases.
Ipinabatid sa DWIZ ni Dr. Ted Herbosa ang tinatawag na death plan na kapag tumataas ang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), mapapansing mababa ang death rate subalit makalipas ang dalawang linggo ay sadyang sisirit ang death toll dahil tumataas din o dumarami ang proportion ng critical at very severe cases.
Sinabi pa ni Herbosa naaakyat ang kaso ng mga nasawi matapos ang dalawang linggo dahil naa-intensive care unit (ICU) pa ilang pasyente hanggang pumapanaw na kung hindi na kayang magamot.
Tataas ‘yang deaths mo about 2 weeks later kasi maa-ICU pa sila, gagamutin sila, hahaba ang buhay nila, tapos eventually ‘yung mga talagang hindi magamot ‘yun ang namamatay, so, ito ‘yung period na ‘yon. Naalala mo March 1 tayo nagsimula ng pagbulusok ng mga kaso, pero ‘yung death rates natin hindi tumataas. So, ngayon nakikita natin medyo madami na tayong kakilala na pumapanaw kasi nga parang ang dami nung una, punong-puno ‘yung hospitals,” ani Herbosa.
Bukod pa ito, ayon kay Herbosa, sa mga pasyenteng huli nang maisugod sa ospital o ang ilan ay naghihintay pa ng resulta ng COVID-19 test na kalaunan naman ay positibo pala.
Tumataas pa ‘yung number at may ibang namamatay late na nadala sa emergency room or sa hospital at syempre suspect pa lang sila, ite-test pa sila, hiintayin pa ‘yung test, so, kung minsan ‘yung number of deaths nadadagdagan kasi nga lumalabas ‘yung result positive din pala sila sa COVID,” ani Herbosa. —sa panayam ng IZ sa Alas Sais