Nahaharap sa reklamong Graft sa Office of the Ombudsman si dating Tourism Secretary Wanda Teo, asawa nitong si Roberto Teo at iba pang opisyal ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA).
Kaugnay ito sa ma-anomalya umanong water supply contract ng Manila Water Company na nagkakahalaga ng 300 Million Pesos.
Ang reklamo ay inihain ng dalawang private resident ng Boracay, sa Malay, Aklan na sina Rod Padilla at Roberto Gelito.
Iginiit ng mga complainant na nakipag-sabwatan ang mga respondent sa pag-apruba sa isang joint venture agreement sa Manila Water upang pahintulutan ang exclusive rights ng naturang concessionaire sa water supply at sewerage system operations sa isla.
Ang kasunduan sa pagitan ng TIEZA at Manila Water ay may kaugnayan sa operasyon ng nag-iisang sewerage system sa Boracay na pinangasiwaan ng Boracay Waterworks and Sewerage System na subsidiary ng TIEZA.
Ipinunto nina Padilla at Gelito na nilabag nina Teo ang Article 12,Section 11 ng 1987 Constitution na nagbabawal sa pag-monopolyo ng operasyon ng public utilities.