Inatasan ng Department of Transportation ang Land Transportation Office na ipatawag ang dalawang engineer mula sa Department of Public Works and Highways matapos mabunyag sa imbestigasyon ng Senado hinggil sa flood control projects na gumamit ang mga ito ng pekeng driver’s license para makapasok sa mga casino.
Agad na iniutos ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez sa LTO na beripikahin ang lisensyang iniharap sa naturang pagdinig.
Batay sa paunang imbestigasyon ng LTO, walang record ng driver’s license na nakapangalan kina Marvin Santos de Guzman at Joseph Castro Villegas, ang mga alyas na ginamit ng dalawang DPWH engineers na dumalo sa Senate hearing.
Inatasan din ang LTO na maglabas ng show cause order laban sa mga sangkot at magsumite ng ulat sa Senate Blue Ribbon Committee.
Binigyang-diin ng DOTr na nananatili itong nakatuon sa pagpapanatili ng integridad at pananagutan sa lahat ng attached agencies nito at handang makipagtulungan sa anumang imbestigasyon na kailanganin ang kanilang tulong.




