Lumantad ang isang lalaki na umaming bugaw at nagsampa ng reklamo laban kay Cong. Paolo “Pulong” Duterte matapos umanong saktan siya ng mambabatas sa loob ng isang bar sa Davao City nang magkaroon ng alitan kaugnay ng kulang na bayad sa isang babaeng kanilang kasama.
Sa sinumpaang salaysay ni Kristone John Patria y Moreno, 37, sinabi niyang inatake siya ni Duterte sa Hearsay Gastropub noong Pebrero 23, 2025.
Sinasabing dahil ito sa reklamo ng isang babae na Php 1,000 lang ang natanggap imbes na Php 13,000.
Dagdag pa ni Moreno, tinangka rin aniyang isara ng mga bodyguard ang bar at patayin ang CCTV.
Kwento pa ng complainant, pinagsusuntok, sinipa, at tinakot umano siya ni Duterte sa loob ng halos dalawang oras.
Ayon sa kanya, natakot siyang magsampa agad ng kaso dahil sa lakas ng pamilya Duterte sa Davao.
Ngunit ngayon ay handa na umano siyang tumestigo at umaasa siyang makatutulong ang CCTV footage sa imbestigasyon sa usapin.
Samantala, wala pang inilalabas na pahayag ang kampo ni Congressman Duterte ukol sa mga nasabing alegasyon.