Mariing pinabulaanan ni AGAP Party-list Representative Nicanor Briones ang pagkakadawit ng kanyang pangalan sa umano’y “payola” mula sa mga proyekto ng mag-asawang Discaya.
Sa isinagawang Senate hearing, isiniwalat ni Curlee Discaya, isa sa mga may-ari ng St. Gerrard Construction at Alpha & Omega General Contractor, na ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) umano ang lumapit sa kanila upang manghingi ng porsiyento mula sa mga proyekto.
Ayon kay Discaya, aabot sa 10 hanggang 25 porsiyento ang hinihingi kapalit ng hindi pagharang sa implementasyon ng kontrata.
Agad namang tumugon si Cong. Briones sa pamamagitan ng isang opisyal na pahayag.
Aniya, walang katotohanan ang paratang at hindi niya nauunawaan kung bakit isinama ang kanyang pangalan sa usapin.
“Mariin ko pong itinatanggi ang mga walang batayang paratang ng mga Discaya laban sa akin. Hindi ko po alam kung ano ang motibo sa pagdawit sa inyong lingkod,” pahayag ng mambabatas.
Dagdag pa ni Briones, nakikipag-ugnayan na siya sa kanyang mga abogado upang magsampa ng kaukulang kaso laban sa mag-asawang Discaya.
Iginiit ni Briones na hindi niya hahayaang masira ang kanyang pangalan at reputasyon na matagal na niyang pinangangalagaan.
Nanindigan si Briones na ang alegasyon laban sa kanya ay bahagi lamang ng paninira at walang basehan. “Hindi natin papayagan na sirain ang ating pangalan at pagkatao na matagal nating iniingatan,” aniya.
Samantala, patuloy pa ring iniimbestigahan ng Senado ang umano’y anomalya sa flood control projects na sinasabing kinasasangkutan ng ilang kontratista at mga opisyal ng pamahalaan.




