Binasag na ni Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co ang mga alegasyong ibinabato laban sa kanya hinggil sa isyu ng insertions sa 2025 national budget at ang pagkakadawit ng kanyang pangalan sa maanomalyang flood control projects ng Sunwest Construction na nakakuha ng malalaking proyekto ng gobyerno.
Matatandaang sa Senate Blue Ribbon Committee hearing, idinawit nina Pacifico at Sarah Discaya ang pangalan ni Co na tumatanggap umano ng porsyento sa implementasyon ng kanilang kontrata.
Mariing itinanggi ni Co ang akusasyon at iginiit na walang basehan, iresponsable, tsismis at “politically motivated” ang alegasyong ibinabato laban sa kanya upang linlangin ang publiko at ilihis ang pananagutan.
Paliwanag ni Co, sinertipikahan ang 2025 General Appropriations Act ng dalawang kapulungan ng Kongreso at nilagdaan at pinagtibay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., pero na-veto rin umano ang ilang probisyon at inipit ang paglalabas ng pondo para sa mga proyekto.
Ngunit ipinunto ng kongresista na ang validity ng 2025 GAA ay ang subject ng kaso sa Korte Suprema at Ombudsman na naging dahilan kaya hindi umano siya makapagkomento sa isyu, bilang paggiit sa karapatan na sumagot kapag inobliga na ng Korte Suprema.