Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na bubuo ito ng task force para imbestigahan ang mga natatanggap na ulat hinggil sa bentahan ng boto ngayong panahon ng kampanya.
Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, kabilang sa pagbuo ng task force ang Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines at Department of Justice.
Pero paliwanag ni Garcia, hindi pa maituturing na Vote buying sa mata ng batas ang mga umano’y abutan bago ang opisyal na panahon ng kampanya noong February 8 para sa national position habang March 25 sa local position.
Una nang sinabi ni Garcia na pwedeng maparusahan ang mga bumibili at nagbebenta ng boto tulad ng pagkakulong, diskwalipikasyon sa pagtakbo ng kandidato at kawalan ng karapatang bumoto. —sa panulat ni Airiam Sancho