Hindi lang biktima ng pagsabog ng Improvised Explosive Device o IED ang nasawing sina FEU Football Althlete Keith Absalon at pinsan nitong si Nolven.
Ito’y makaraang lumabas sa Necropsy report ng Masbate City Health Office sa labi ng magpinsan kasunod naman ng ginawang Post Mortem Investigation matapos ang pagsabog.
Lumabas sa resulta ng imbestigasyon na nagtamo ng tama ng bala ng baril sa kanang mata si Keith bukod pa sa mga sugat na tinamo nito mula sa pagsabog.
Gayundin ang nakita kay Nolven na nakitaan naman ng tama ng bala ng baril sa kaliwang balikat at kanang hita nito.
Nabatid din na mga tinaguriang child warriors ng New People’s Army o NPA ang nasa likod ng pagpapasabog sa Brgy. Anas kung saan nasawi ang magpinsan at ikinasugat ng anak ni Nolven.
Sinasabi kasing mga Pulis na laging nagbibisikleta sa lugar ang siyang target ng mga rebelde nuong mismong araw na nangyari ang krimen, subalit hindi na ito tumuloy kaya’t ang magpinsan at kasama nito ang nabiktima.