Nagbabala ang Commission on Human Rights (CHR) sa posibleng masamang epekto ng sunod-sunod na pagkabasura ng mga kasong kinakaharap ng pamilya Marcos.
Ayon kay CHR Spokesperson Jacqueline De Guia, ang pagkabasura sa apat na kaso ng ill-gotten wealth ng mga Marcos ay maaaring makapagbigay ng isipin sa publiko na wala talagang nangyaring malagim na martial law.
Ani De Guia, tila nalilinis ang pangalan ng mga Marcos sa nangyayari ngayon sa kanilang mga kaso na sana ay kanilang pinanagutan.
Magugunitang ibinasura ng Sandiganbayan ang panibagong civil case laban sa mga Marcos.
Inihain ang kaso ng Presidential Commission on Good Government na layong mabawi sa mga Marcos at cronies nito ang nasa 200 bilyong pisong umano’y nakaw na yaman.