Umalma ang Chinese government sa paglalayag ng barkong pandigma ng Amerika na USS Lassen sa isa sa mga artificial island na inaangkin ng Tsina sa West Philippine Sea.
Ayon kay Chinese Foreign Ministry Spokesman Lu Kang, na-monitor nila at binalaan ang USS Lassen nang pumasok ito sa 12-mile territorial limit sa paligid ng Subi Reef na inaangkin din ng Pilipinas.
Isa anyang malaking banta sa soberanya ng China ang hakbang ng Estados Unidos na nakaapekto sa regional peace at stability maging sa seguridad ng mga personnel at pasilidad sa artipisyal na isla.
Inabisuhan naman ni Lu ang Amerika o anumang bansang umaangkin sa Spratly na huwag ng tangkaing pigilin o guluhin ang mga aktibidad ng China sa sarili nitong mga teritoryo dahil lalo lamang lalawak ang girian.
By Drew Nacino