Nanguna ang Central Luzon sa nakapagtala ng pinakamaraming bagong kaso ng COVID-19 sa hanay ng Philippine National Police (PNP).
Sa datos na inilabas ng PNP Health Service, 69 na bagong kaso ang kanilang naitala dahilan para sumipa na sa 9,909 ang kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso ng virus.
Nasa 26 sa mga bagong kaso ang mula sa Central Luzon, 13 sa Zamboanga Peninsula, 10 sa NCRPO at lima sa National Operations Support Unit.
Tatlo naman ang naitala sa Northern Mindanao, tig-dalawa naman sa Ilocos Region, Cagayan Valley, gayundin sa Cordillera.
Habang tig-isa naman ang naitala sa National Headquarters sa Kampo Crame gayundin sa CALABARZON, Bicol, Western at Central Visayas maging sa SOCCSKSARGEN.
Dahil dito, umakyat sa 567 ang total active cases ng virus subalit nadagdagan din ang recoveries na nasa 21 kaya’t pumalo na ito sa kabuuang 9,314 habang nananatili sa 28 ang bilang ng mga nasawi. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 19)