Magkakasa ng hiwalay na imbestigasyon ang Commission on Human Rights hinggil sa paggamit ng puwersa ng pulisya at sinasabing harassment sa mga media personnel sa anti-corruption protests.
Ayon sa CHR, bagama’t tungkulin ng estado na magpanatili ng kaayusan, ang mga hakbangin ay dapat laging nakaayon sa human rights standards at batay sa prinsipyo ng necessity, proportionality at accountability.
Nagtalaga ang CHR ng monitoring teams sa mga protest sites at sa Manila Police District headquarters, kung saan dinala ang daan-daang inaresto, kabilang ang mga menor de edad.
Ayon sa Komisyon ng Karapatang Pantao, may ilang naaresto na hindi naman lumahok sa kilos-protesta at inihalintulad ang nangyari sa “karahasan ng diktadura.”
Depensa naman ng pulisya, na may mga sinasabing “instigators” sa likod ng gulo at pinag-aaralan nilang sampahan ng kasong inciting to sedition ang mga nanggulo sa kilos-protesta.