Inaasahan ng economic team ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Junior, na maglalaro sa 54 hanggang 55 pesos ang palitan ng piso kontra dolyar sa pagtatapos ng taong 2022.
Ito ang sinabi ng Development Budget Coordination Committee o DBCC sa pagtatapos ng periodic review noong Lunes.
Mas mahina ang pagtataya kumpara sa 51 hanggang 53 pesos na exchange rate forecast na inihayag sa pagpupulong noong hulyo.
Gayunpaman, dahil nakitang tumaas ang piso sa 2022, inaasahang magiging mas mahusay ito sa pagtatapos kaysa noong oktubre, pinakamababang exchange rate na naitala sa bansa.
HOT STORIES OF THE WEEK
Tutol ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) sa pagkonsidera ng Department of Agriculture (DA) na ibenta ang mga nasabat na puslit na sibuyas.
Ito ay sa oras na pumasa sa phytosanitary inspection ang mga kontrabado.
Ayon kay Rosendo So, Presidente ng SINAG, ipapaabot niya ang pagtutol sa Agriculture Department sa pamamagitan ng liham.
Hindi kasi dapat idahilan ang paparating na holiday season para magbenta ng mga smuggled na sibuyas, dahil makakaapekto lang ito sa mga lokal na magsasaka ng sibuyas.
Imbes na ibenta, mas makabubuti aniyang tutukan na lang ng DA at ng Bureau of Customs ang pagsawata sa agricultural smuggling at mahuli ang mga nasa likod nito.
Itinalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., si Edward Fereira bilang Executive Director ng Center for International Trade Expositions and Missions, na nagsisilbing export trade promotion arm ng Department of Trade and Industry.
Nanumpa si Fereira kay DTI secretary Fred Pascual sa DTI Main Office.
Bilang Executive Director, si Fereira ang mangangasiwa sa pagsusulong sa Pilipinas bilang reliable source ng kalidad na export products at services sa pandaigdigang merkado.
Nanindigan si Government Service Insurance System (GSIS) President at General Manager Jose Arnulfo “Wick” Veloso na panahon na upang magkaroon ng Sovereign Wealth Fund na Maharlika Investments Fund.
Ayon kay Veloso, ito na ang tamang panahon upang ipuhunan at kumita nang mas marami pang pondo na mapapakinabangan ng mga miyembro ng GSIS.
Ang kanila anyang trabaho ay ilagak ang pera ng mga miyembro sa tamang lugar na kikita nang mas malaki at makapagbigay sa kanila ng benepisyo.
Sa ilalim ng Republic Act 656 na inamyendahan ng Presidential Decree 245, binibigyang mandato ang GSIS na protektahan ang lahat ng ari-arian at interes ng gobyerno laban sa insurable risks.
Sa ilalim ng panukalang Sovereign Wealth Fund (SWF) ay matitiyak ang pagiging transparent nito dahil babantayan ito ng Board of Advisers at may posibilidad na isama ang mga miyembro mula sa ilang pribadong sektor tulad ng Philippine Stock Exchange.
Idinagdag ni Veloso na ang pamumuhunan sa kasalukuyang kondisyon ay mas makatutulong sa bansa dahil sa inaasahang mas malaking kita.
Niratipikahan na ng Senado ang Bicameral Conference Committee report ng P5.268-T na 2023 General Appropriations Bill (GAB).
Ang Ratified Bill ay naglalaman ng pinag-isang bersyon ng Senado at Kamara.
Nagpahayag naman ng “No Vote” sina Senate Minority Leader Koko Pimentel at Senator Risa Hontiveros.
Partikular na tinututulan ng oposisyon ang pagbabalik sa P150 million Confidential at Intelligence Funds (CIF) ng Department of Education.
Bagaman noong una ay nagpasalamat sa pagtugon ng senado na tapyasan ng P120 million ang CIF ng DepEd at ilipat sa ibang programang mas mapapakinabangan ng ahensya, dismayado naman ang senadora dahil hinayaang makalusot ang nasabing pondo.
Kasama rin sa ibinalik sa pondo ang orihinal na budget proposal ng NTF-ELCAC na P10-B.
Ito ang unang pambansang pondo sa ilalim ng Marcos Administration.
Inaasahang bago mag-Pasko ay lalagdaan na ni pangulong Bongbong Marcos ang 2023 National Budget. —ulat mula kay Cely Ortega Bueno (Patrol 19)
Backlog sa lisensya, nabawasan na —LTO
Nabawasan na ang backlog sa issuance ng driver’s license.
Ayon kay Land Transportation Office chief Jose Arturo “Jay Art” Tugade, bumaba na sa 92,000 ang backlog sa lisensya hanggang nitong Nobyembre kumpara sa 300,000 noong Agosto.
Ang mabagal anyang issuance ng driver’s license ang laging problema ng mga motorista kaya’t doble-kayod na ang LTO upang masolusyunan ito.
Isa sa mga dahila ng backlog ang depektibong laser engraving machines sa ilang LTO District at Extension offices.
Sa ngayon ay kinukumpuni lamang ang mga dispalinghadong makina dahil wala pang budget para makabili ng bago nito.
Samantala, hinimok ni Tugade ang mga motorista na huwag nang pupunta sa mga LTO branch na may depektibong laser engraving machine upang maiwasan ang abala sa pagkuha ng lisensya.
Tutol ang grupo ng mga negosyante at ilang ekonomista sa panukalang lumikha ng isang Sovereign Wealth Fund (SWF) na tatawaging Maharlika Wealth Fund dahil isasabak bilang initial capital ang pension funds ng Government Service Insurance System at Social Security System.
Kabilang sa mga kumontra ang Foundation for Economic Freedom, Makati Business Club, Management Association of the Philippines, Movement for Good Governance at UP School of Economics Alumni Association.
Sakaling ipasa bilang batas ang Maharlika, ipag-uutos nito sa GSIS at SSS, maging sa state-owned lenders na Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines na maglaan ng initial investment na P200-B.
Bukod pa ito sa magiging kontribusyon na P25-B ng gobyerno, Bangko Sentral ng Pilipinas at Philippine Amusement and Gaming Corporation.
Ayon sa business groups, dapat i-prayoridad ang fiscal prudence o kakayahan ng gobyerno na mapanatili ang maayos na pagpapaikot sa pera ng taumbayan.
Dapat anila ay mayroong sobrang pera o commodity-based surpluses ang bansa upang ilagak sa Sovereign Wealth Fund (SWF) bilang kapital at dapat walang binabayarang malaking utang ang gobyerno.
Karaniwang nagmumula ang puhunan ng SWF sa natural resources extraction ng isang bansa, gaya ng langis at metal, na kalauna’y nauubos kaya’t tumataas ang halaga.
Nasa P63M halaga ng smuggled frozen goods ang nasabat ng Bureau of Customs sa ilang containers sa Manila International Container Port (MICP).
Kinumpirma ng Customs Intelligence and Investigation Service o (CIIS-MICP) na nakatanggap sila ng derogatory information hinggil sa dalawang containers mula Hong Kong at dalawang containers mula China na idineklara bilang kilu-kilong frozen prawn balls.
Ayon kay Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, naglalaman din ng iba pang frozen foods ang mga container na hindi idineklara ng consignee sa kanilang manifesto.
Sa isinagawang inspeksyon, nadiskubre na kargado ang mga container ng frozen tofu, chicken paws, boneless beef, vietnamese suckling pig at beancurd skin.
Inirekomenda na ng CIIS-MICP ang pag-isyu ng Warrant of Seizure and Detention laban sa mga misdeclared goods.
Public Consultation sa Sim Registration Law, inilarga na, IRR posibleng ilabas bago magtapos ang taon
Inaasahang mailalabas na ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Sim Registration Act bago matapos ang taon.
Ito ang kinumpirma ng National Telecommunications Commission (NTC) matapos ang isinagawang public hearing, kahapon.
Ayon kay NTC Deputy Commissioner Jon Paulo Salvahan, masusing binalangkas ng mga miyembro ng Technical Working Group (TWG) at Public Telecommunication Entities (PTE) ang IRR.
Katuwang ng NTC sa pagbuo ng IRR ang Departments of Information and Communications Technology, Trade and Industry at National Privacy Commission.
Sa ilalim ng Republic Act 11934 o Sim Registration Law na nilagdaan ni Pangulong Bongbong Marcos noong October 10, magiging mandatory na ang pagpaparehistro ng lahat ng mobile communication devices.
Kabilang sa layunin nito ang pigilan ang pagkalat ng mga text scam o spam text messages.
Sa ikatlong sunod na linggo, inilarga na ng mga kumpanya ng langis ang tapyas-presyo sa kanilang mga produkto.
Buena manong nagpatupad ang Caltex ng P1.95 centavos na rollback sa kada litro ng gasolina; P1.90 centavos sa diesel habang P1.65 centavos sa kerosene, epektibo alas -12 kaninang hatinggabi.
Ala-6 kanina umarangkada rin ang kahalintulad na bawas presyo ng Flying V, Petron, Phoenix Petroleum, PTT Philippines, Petrogazz, Seaoil at JETTI Petroleum.
Alas 8:01 naman mamayang umaga ipatutupad ng Cleanfuel ang kanilang rollback maliban sa kerosene o gaas.
Ito ang unang beses na nagrollback ang presyo ng oil products ngayong Disyembre, bunsod ng epekto ng Covid-19 lockdown sa China, mas mataas na oil inventories at magkakasunod na interest rate hikes sa U.S.
Pang-limang beses naman itong bawas-presyo simula noong Oktubre a – 24.
