Inatasan ng Malakanyang ang Department of Justice na kasuhan si dating NYC o National Youth Commission Chair Ronald Cardema.
Kasunod ito ng biglaang pagbibitiw nito sa pwesto matapos na maghain ng petition of subtitution sa Commission on Elections para palitan ang kanyang may bahay bilang first nominee ng Duterte Youth Partylist Group.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, nakatanggap sila ng impormasyon na pinangunahan ni Cardema ang meeting ng NYC noong Mayo 15 gayong nagbitiw na ito sa pwesto.
Aniya, kasama rin sa ipinasisilip ay ang ulat na ginamit di umano ni Cardema ang kanyang posisyon para ikampanya ang kanyang grupo.
Binigyang diin ni Panelo na walang kaalyado, walang kaibigan at wala ring taga suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kakampihan sakaling makagawa ng pagkakamali.