Hindi na tatanggap ng mga Pilipinong galing ng China ang Capas, Tarlac.
Ipinahiwatig ito ni acting mayor Roseller Rodriguez matapos silang mabigla sa paggamit ng Department of Health (DOH) sa Athletes’ Village sa New Clark City bilang quarantine para sa mga umuwing Pilipino mula sa Wuhan, China.
Ayon kay Rodriguez, humupa na ang protesta matapos ipaliwanag ng DOH ang protocol sa quarantine.
Naipaliwanag na rin anya nila ito sa mga residente ng Sitio Kamatis sa Barangay Aranguren na syang pinakamalapit sa Athletes’ Village upang payapain ang kanilang mga pangamba na umabot sa kanila ang 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019 nCoV-ARD).
Gayunman, malinaw anya sa paliwanag ng DOH na ang rehabilitation center pa rin sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija ang quarantine site.
Itong first batch lang sana kasi ‘yung time constraint ipinaintindi lang sa amin na kailangan na talaga ito dahil gahol na sa oras, kung magkakaproblema pa, additional cons sa government, medyo naiintindihan po namin ‘yung stand ng national government na kailangan na talaga, pero pakiusap namin po, isang batch lang. Ang sinasabi po ng DOH, ang talagang quarantine station ay Fort Magsaysay pa rin, pero ‘yun nga lang may mga amenities pa raw po na wala pa sa Fort Magsaysay na ginagawa pa lamang. In two weeks time, handang-handa na ang Fort Magsaysay, so, ‘yung subsequent batches, sa Fort Magsaysay na po sila,” ani Rodriguez. —sa panayam ng Ratsada Balita