Ipinatutupad ng Civil Aviation Authority of the Philippines ang heightened alert status sa lahat ng paliparan sa bansa dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa panahon ng Undas.
Bahagi ang nasabing inisyatiba ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez na panatilihin ang kaligtasan ng mga pasahero at mabilis na operasyon sa mga airport, partikular na sa kasagsagan ng Oplan Biyaheng Ayos: Undas 2025 ng Department of Transportation.
Kaugnay nito, nagtayo na ang CAAP ng Malasakit Help Desks sa mga paliparan upang tulungan ang mga biyahero sa pangangailangan ng mga ito.
Naka-heightened alert din ang mga security personnel upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng mga pasahero, habang nakaabang din ang mga medical team upang magbigay ng mabilis na tulong sa oras ng emergency.
Nakikipag-ugnayan na rin ang CAAP sa iba pang mga ahensya, kabilang na ang PNP-Aviation Security Unit, Office of Transportation Security, Department of Tourism, at Civil Aeronautics Board.
Inaasahan ng CAAP na aabot sa 5.8 million ang mga pasaherong dadagsa sa mga paliparan ngayong taon, mas mataas ng 7 hanggang 10 percent kumpara sa 4.8 million passengers noong nakaraang taon.—sa panulat ni John Riz Calata




