Inulan ng kritisismo ang pa-raffle ng Jollibee para sa inaabangang Coke Studio Concert mula sa mga netizen online dahil sa hinihinalang AI-generated names ng mga nanalo.
Kung ano ang paliwanag ng Jollibee sa kontrobersya na ito, eto.
Inilabas nitong nakaraang buwan sa Facebook page ng sikat na fastfood chain na Jollibee ang mechanics para sa kanilang collaboration sa Coke Studio na tinawag na Burger Blowout kung saan kinakailangan ng mga customer na bumili ng piling burger meals mula sa mga participating stores para makakuha ng raffle entry at manalo ng ticket para sa gaganaping Coke Studio Concert.
Base sa mechanics, tatakbo ang promotion mula July 17 hanggang August 24, 2025 kung saan nahahati sa major at minor prizes ang maaaring matanggap ng mga mapalad na manalo.
1,750 participants ang maaaring manalo ng major prizes. Ang bawat isa ay makakatanggap ng dalawang tickets para sa Coke Studio Live concert na gaganapin sa Araneta Coliseum, alas kwatro ng hapon sa September 5, 2025.
Habang tumataginting na 68,250 winners naman ang makakatanggap ng minor prizes na regular Jollibee crispy fries, regular coke float, at regular tuna pie.
July 27 nang i-announce ng Jollibee sa kanilang Facebook page ang major and minor winners sa first draw, at August 3 naman inilabas ang list of winners ng second draw.
Pero pagdating ng ikatlong linggo ng pag-a-announce ng winners, kinwestyon ng mga netizen kung AI-generated ba ang ilan sa mga nakalistang pangalan katulad ng Bonita Gulgowski, Albert Goldner, at Norbert Pfannerstill.
Matapos nito ay agad na naglabas ng statement ang Jollibee at sinabing nakikipag-ugnayan sila sa Department of Trade and Industry (DTI) sa pagre-review ng issue at pansamantala munang ipagpapaliban ang mga susunod na raffle draws.
Ayon sa Jollibee, nadiskubre nila mayroong fraudulent third parties na nagpasa ng multiple entries sa kanilang system.
Para panatilihin fairness, dinisqualify na ang mga invalid major prize winners mula sa week 3 draw at magsasagawa ng re-draw at special raffle.
Samantala, nagpaalala ang jollibee na hindi for sale ang tickets para sa nasabing concert kung kaya huwag bibili sa mga unauthoried sources.
Ikaw, ipaglalaban mo rin ba ang raffle entries mo sa ngalan ng mas murang halaga na concert tickets?