Opisyal nang idineklara ng Department of Agriculture (DA) na malaya na sa Highly Pathogenic Avian Influenza (HPAI) o bird flu ang lalawigan ng Bulacan, mahigit isang taon matapos ang kumpirmadong pagputok ng sakit sa mga ibon sa probinsya.
Ayon sa DA, idineklara ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na bird flu-free ang Bulacan matapos isagawa ang malawakang surveillance na nagresulta sa negatibong presensya ng virus sa mga dating apektadong lugar at karatig nito.
Nabatid na nakumpirma ang outbreak ng H5N1 strain ng bird flu virus sa isang commercial duck farm sa bayan ng Pandi noong Disyembre ng nakaraang taon, sa pamamagitan ng RT-PCR testing.
Matapos ang kumpirmasyon ng outbreak, agad na ipinatupad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, kasama ang LGU ng Pandi, DA Regional Field Office III, at Bureau of Animal Industry, ang mga protocol sa ilalim ng Avian Influenza Protection Program.
Kabilang sa mga hakbang na isinagawa ang agarang pagpatay at paglibing sa mga apektadong ibon, malawakang paglilinis at disinfection sa mga poultry farm, pagbabawal sa paggalaw ng mga hayop, at masusing pagmamatyag sa loob ng isang kilometro at pitong kilometrong surveillance zones.
Samantala, nilinaw ng Department of Agriculture na maaari pa ring bawiin ang naturang deklarasyon sakaling muling makumpirma ang paglaganap ng nasabing virus sa lalawigan.





