Tiniyak ni Bureau of Customs Commissioner Ariel Nepomuceno na tuloy-tuloy ang reporma sa ahensya upang wakasan ang matagal nang isyu ng korapsyon o “kotong” sa loob ng tanggapan.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Commissioner Nepomuceno na ipatutupad ng BOC ang “no take policy” at nakatuon ito sa automation ng mga proseso upang mabawasan ang personal na pakikipagtransaksyon ng mga importer sa mga kawani ng ahensya.
Bukod dito, plano ring palakasin ang paggamit ng smart CCTVs at palitan ang mga luma nang x-ray machines upang mas epektibong mabantayan ang mga kargamento at maiwasan ang smuggling.
Aminado ang opisyal na hindi agad-agad mawawala ang problema dahil dekada na itong naka-ugat sa BOC, ngunit tiniyak niyang sisimulan ang pagbabago sa pamamagitan ng modernisasyon at mas mahigpit na sistema ng pagbabantay.