Aminado ang isang political analyst na ikinagulat niya ang “hindi pangkaraniwan” at biglaang pagpapalit ng liderato at balasahan sa Senado sa gitna ng imbestigasyon sa sinasabing maanomalyang flood control projects.
Isa sa nakikita ni Professor Dennis Coronacion ng UST Political Science Department na dahilan ang negatibong epekto sa kredibilidad ni dating Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero matapos mabunyag ang pagtanggap nito ng 30-million-peso campaign donations mula sa isang government contractor.
Naniniwala rin si Coronacion na may bahid-pulitika ang isinasagawang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa flood control projects noong pinamunuan ito ni Senador Rodante Marculeta na maaaring kabilang din sa naging mitsa ng rigodon sa Senado.
Posible rin aniyang nakita ng ilang senador na tatamaan sila ng imbestigasyon kaya’t sumama sa grupo na nagpatalsik kay Escudero at nagluklok kay Senador Tito Sotto.





