Kinumpirma ni Bayan Muna partylist Rep. Eufemia Cullamat na anak nga niya ang babaeng miyembro ng New People’s Army (NPA) na napatay ng mga sundalo sa Surigao del Sur.
Si Jevilyn Cullamat na sinasabing medic ng NPA ay napaslang matapos umanong makipag-bakbakan sa mga sundalo sa Barangay San Isidro sa bayan ng Marihatag.
Ayon kay Rep. Cullamat, nauunawaan niya kung bakit sumapi sa rebolusyonaryong kilusan ang kanyang anak bunsod ng aniya’y patuloy na nararanasang pagmamalupit at pang-aabuso ng kanilang tribu mula sa militar.
Giit ni Cullamat, nasa hustong gulang na ang kanyang anak nang umanib ito sa NPA at naiintindihan niya kung bakit mas pinili nitong lumahok sa armadong pakikibaka.
Aniya, naniniwala siyang gagamitin na naman ng militar ang pagkamatay ng kanyang anak laban sa Bayan Muna at Makabayan bloc.
Samantala, inihayag ni 401st Infantry Brigade Commander Brigadier General Allan Hambala na lubos silang nakikiramay sa pamilya ni Cullamat sa pagpanaw ng dalaga kung saan nanawagan ito sa mga katutubo na makiisa sa gobyerno at huwag nang magpagamit sa mga rebelde.