Isinusulong sa Kamara ni Quezon City 6th District Rep. Ma. Victoria Co-Pilar ang House Bill 4195 o ang panukalang “Metro Manila Flood Management Act.”
Layon nitong magkaroon ng batas para sa isang “master plan” na magbibigay-solusyon sa matagal nang problema sa baha sa buong Metro Manila.
Sa pagbuo ng “Metro Manila-wide blueprint” at “grand master plan,” matutukoy ang nararapat na aksyon o reporma laban sa baha, habang parurusahan naman ang mga nang-abuso sa mga proyekto.
Sakaling maging ganap na batas, bubuo ng isang Inter-Agency Task Force for Flood Management na tututok sa implementasyon ng magagawang master plan.
Ang kalihim ng Department of Economy, Planning and Development o DepDev ang mangunguna habang gagawing miyembro ang mga kalihim o pinuno mula sa ilang departamento kabilang na ang: Department of Public Works and Highways, Department of Environment and Natural Resources, Metropolitan Manila Development Authority, UP Diliman-National Institute for Geological Sciences, PAGASA, at ang mga alkalde ng mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila. —Sa panulat ni Jasper Barleta




