Talaga nga naman na kailangang tutukan at maging alerto ng mga magulang o guardian sa pagbabantay sa mga bata lalo na at malilikot ang mga ito at curious sa maraming bagay. Katulad na lang ng bata sa kwento na ito na panandaliang na-trap sa refrigerator matapos pumasok dito habang naglalaro.
Kung ano ang kinahinatnan ng bata, eto.
Sa isang video na nakuhanan sa loob ng tindahan, makikita ang isang lolo na nililinisan ang refrigerator sa kanilang tindahan. Bukod diyan, tinanggalan niya rin ito ng shelves at tinanggal sa pagkakasaksak para i-defrost.
Kasunod naman nito ay makikita ang bagong gising niyang tatlong-taong-gulang na apo na si JK na agad na naglaro sa labas ng kanilang tindahan habang binabantayan ng kaniyang lola.
Nang panandaliang lumabas ang lolo para kuhanan ng shorts ang kaniyang apo ay ang siya namang pagpasok ng bata sa tindahan para kumuha ng juice.
Pero sa halip na kuhanin ang juice, pumasok ang bata sa bakanteng refrigerator, naupo, at isinara ang pinto nito.
Sa pagbalik ng lolo sa tindahan, nakarinig ito ng pag-iyak ng isang bata na inakala niyang nanggaling mula sa labas. Kasunod naman nito ay ang pagdating ng lola na agad na narinig ang pag-iyak ng kaniyang apo na nanggagaling sa loob ng refrigerator at natatarantang pinalabas ang bata.
Dahil sa pag-aalala sa bata ay nakatanggap ng mga negatibong komento ang video pero ayon sa nanay ni JK na si Rona May Gajisan, bilang isang nanay ay hindi niya rin naman daw gugustuhin na may mangyaring hindi maganda sa kaniyang anak. Sinabi niya rin na kaya lang naman umiyak ang bata sa loob ng refrigerator ay dahil takot daw ito sa dilim at sinigurado na walang bata ang naagrabyado sa insidente.
Sa mga magulang diyan, sa paanong paraan kayo nakakasigurado na palagiang ligtas ang mga anak niyo saan man kayo magpunta?