Kung madalas ay mga kawatan ang nanlalamang sa kanilang mga biktima, ibahin niyo ang kidnapper sa kwento na ito na naisahan ng dinakip niyang bata. Ang mautak na biktima, kinantahan ng gospel song ang kidnapper sa loob ng tatlong oras hanggang sa marindi ito sa kaniya at wala nang nagawa kundi palayain siya.
Ang kwento kung paano sinagip ng kaniyang pananampalataya ang bata, eto.
9-anyos pa lang noon si Willie Myrick nang mabiktima ito ng kidnapping habang nasa bakuran siya ng kanilang bahay sa Atlanta.
Katulad sa mga napapanood natin sa pelikula, nagmaneho lang ang kidnapper at dinala kung saan-saan ang bata. Pero si Willie, kakaiba ang naging reaksyon sa panganib na posible niyang kaharapin.
Sa halip kasi na umiyak at mag-panic si Willie, non-stop itong kumanta ng gospel song na ‘Every Praise’ sa loob ng tatlong oras.
Habang kumakanta si Willie, wala ring tigil sa pagmumura ang kidnapper habang pinapatahimik siya. Pero nang hindi siya nito napigilan, wala nang nagawa ang kidnapper kundi palayain ang kaniyang biktima.
Ayon sa ulat, lumaki si Willie sa kaniyang ninang na si Codetta Bateman na palagian siyang isinasama sa simbahan kung saan ito natuto na magbasa at umintindi ng mga teachings sa bible.
Sa murang edad, nakita ni Bateman kung paano na-develop ang pananampalataya ni Willie. Sa katunayan, mas pinipili nito na um-attend sa bible study sessions sa halip na maglaro.
Samantala, bagama’t natakot para sa kaniyang buhay, sinabi ni Willie na ipinaubaya niya na lang ang lahat sa pananampalataya. Pagkalipas nga ng tatlong oras, nanaig pa rin ang paniniwala ng bata at ligtas na nakalabas ng sasakyan.
Ikaw, himala ka na rin bang nakaalis sa mapanganib na sitwasyon o sa lowest point ng buhay mo sa tulong na iyong paniniwala?



