Matatapos na ang pangamba ng mga motorista kapag nakasasabay tayong bumiyahe sa lansangan ng mga motorsiklo na ang sakay bukod sa nagmamaneho nito, ay may kasama pang mga bata o sanggol na karga ng kanilang mga ina na angkas ng motor.
Dahil nito lamang Hulyo A-21, ay pinirmahan at inaprubahan na ng Pangulong Noynoy Aquino ang Republic Act 10666, o ang batas na nagsisiguro sa kaligtasan ng mga kabataang nakasakay ng motorsiklo.
Matapos ang deliberasyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso, naipasa ito dahil sa paniniwalang mahalaga ang kaligtasan ng mga kabataan na lulan ng motorsiklo.
Batid natin na kaya ito nagagawa ng mga magulang na isakay ang kanilang mga anak ay upang makatipid sa gastos sa pamasahe, lalong-lalo na kung may kapasidad naman ng pamilyang makapag-biyahe gamit ang kanilang mga motorsiklo.
Ngunit, ang hindi alam ng mga magulang ay inilalagay nila sa panganib ang mga sakay nito, lalong-lalo na ang mga bata na hindi pa abot ang kanilang paa sa mismong tungtungan o yaong tinatawag sa batas na “standard foot peg” ng motor.
Hindi rin pinapayagan ang mga batang sumakay ng motor kung hindi pa nila abot ang kabuuang bewang ng isang adult o nagmamaneho.
Siguradong marami sa ating mga motorsita ay iisa ang sinasabi kapag nakakakita tayo ng bumibiyaheng motorsiklo na may lulang sanggol at bata, “napaka-iresponsable naman itong ama o ina ng bata, at ipinapahamak pa nila ang kanilang mga supling sa bingit ng disgrasiya”.
Ngayon, makakahinga na tayo ng maluwag dahil, matapos itong mailathala sa mga pahayagan ay ganap nang maipatutupad na ang batas.
Batay sa nilalaman ng batas, ang sinumang lalabag dito ay pagmumultahin ng tatlong libong piso sa unang paglabag, limang libo naman sa pangalawang paglabag at sampung libo naman sa ikatlong paglabag.
Ang kapag, paulit-ulit na ang paglabag ay papatawan ang nagmamaneho at operator ng motor ng automatic revocation ng kanyang lisensiya at may kaakibat pang isang taong kulong kung nasangkot sa aksidente at pagkamatay ang mga sakay nito.
Harinawa’y maging babala ito sa mga motorcycle riders, at magsilbi itong paalala, na huwag nating ilagay sa peligro ang ating mga anak.
Tandaan ang motorsiklo ay lubos na lapitin sa disgrasiya at kapag nasangkot ito sa akisdente, tiyak na bukod sa baldado ang gumagamit nito at kanyang pasahero, maari ring itong ikamatay.