Nagmungkahi ang isang mambabatas mula sa Maynila na ibahin na lamang ang posisyon ng bantayog ni Gat Jose Rizal sa Luneta.
Ito’y makaraang manindigan ang kumpaniyang DMCI na hindi nila gigibain ang Torre de Manila na binansagang pambansang photobomber.
Ayon kay Manila Representative Amado Bagatsing, para sa kaniya, makabubuting iikot na lamang ang bantayog ni Rizal na nakaharap sa lungsod sa halip na nakaharap sa Manila Bay.
Paliwanag ng mambabatas, hindi dapat nakatalikod sa bayan si Rizal dahil kung babalikan aniya ang kasaysayan, traydor kung ituring ng mga Espanyol ang mga binibitay na nakaharap sa dagat.
Gayunman, nakipag-ugnayan na si Bagatsing sa National Commission for Culture and Arts o NCCA para pag-aralan ang kaniyang panukala na balak niya ring ihain sa mababang kapulungan ng kongreso.
By Jaymark Dagala