Sana raw ay itigil na ni Presidential Spokesperson Harry Roque na gawing theme song ang kantang “insensitive”.
Ito ang inihayag ni Senadora Risa Hontiveros makaraaang sabihin ni Roque na isang taon nang nakabakasyon ang mga Pinoy.
Giit ni Hontiveros, maling-mali na sabihin na “nakabakasyon nang isang taon” ang mga Pilipino dahil nag-quarantine.
Marami anya sa ating mga kababayan ang nawalan ng trabaho, napilitang magsara ng negosyo, mga nagkasakit at may namatay pa dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito anya ang pinakanakakapagod at masakit na ‘bakasyon’ sa buong buhay natin.
Ayon sa senadora, hindi ito usapin ng mas kakaunting araw ng bakasyon, at ang totoong isyu aniya ay mawawala pa ang dagdag-kita ng mga manggagawa dahil sa adjusted holidays.
Marami pa naman anya ang pinipiling pumasok pa rin sa trabaho para sa dagdag na sahod.
Binigyang diin pa ni Hontiveros na si Roque, bilang tagapagsalita ng pangulo, ay dapat magpakita ng propesyunalismo at integridad. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno