Bahagyang lumakas at bumilis ang bagyong Enteng habang patuloy na kumikilos patungong Southern Ryukyu Island sa Japan.
Batay sa pinakahuling weather bulletin ng Pagasa, huling namataan ang sentro bagyong Enteng kaninang 10 a.m. sa layong 540 kilometro hilagang silangan ng Basco, Batanes.
Taglay nito ang pinakamalakas na hanging umaabot sa 75 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugso ng hanging umaabot sa 90 kilometro kada oras.
Patuloy itong kumikilos sa direksyong pa-hilaga sa bilis na 45 kilometro kada oras.
Nananatili namang malayo sa kalupaan ng Pilipinas ang bagyong Enteng at inaasahang lalabas ng Philippine area of responsibility (PAR) mamayang hapon.
Samantala, patuloy ring binabantayan ng Pagasa ang isa pang sama ng panahon o low pressure area (LPA) na huli namang namataan sa layong 210 kilometro kanluran ng Iba, Zambales.
Ayon sa Pagasa, bagama’t mababa ay may posibilidad na mabuo pa rin ang nabanggit na LPA bilang ganap na bagyo.
Inaasahan naman ang pag-ulan sa bahagi ng Pangasinan, Benguet, Zambales, Bataan Pampanga, Tarlac at Mimaropa gayundin ang panaka-nakang pag-ulan sa Metro Manila, Aklan, Antique, at nalalabi pang bahagi ng Luzon bunsod ng bagyong Enteng, LPA, at southwest monsoon o habagat.