Natuklasang tumutulo ang bubong ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 sa tuwing umuulan.
Ayon sa mga airline personnel, nagsimulang tumulo ang bubong ng Terminal 1 noon pang Mayo 27 at kapag umuulan ay naaapektuhan ang pre-departure east at west concourse area.
Dismayado naman ang mga pasahero dahil lahat ng mga umaasiste sa kanila na airline ground personnel ay nakapayong upang hindi mabasa o kaya’y madulas sa sahig.
Nagtataka naman ang mga mananakay kung bakit tumutulo ang bubong ng terminal gayung ginastusan ito ng mahigit P1 bilyong piso para sa renovation.
Ayon kay Manila International Airport Authority (MIAA) Spokesperson Dave de Castro, kasalukuyan nang kinukumpuni ng kompanyang DMCI ang nasirang bubong at nangakong tatapusin ito sa mas lalong madaling panahon.
Humingi na rin ng paumanhin si NAIA Terminal 1 Manager Dante Basanta sa mga naperhuwisyong pasahero.
By Jelbert Perdez | Raoul Esperas (Patrol 45)