Natapos na nga ang isinagawang malawakang rally sa iba’t ibang bahagi ng bansa kung saan lumahok ang mga grupo mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan para mangalampag at pagpanagutin ang mga sangkot sa katiwalian.
Pero pagkatapos nito, ano nga ba ang dapat asahan ng mga Pilipino? Mayroon nga bang magbabago? Mananagot nga ba ang mga dapat managot?
Pero maiba tayo, bukod sa hinihintay nating magandang pagbabago, dapat din nating bantayan kung ano nga ba ang magbabago sa ekonomiya ng bansa matapos ang sunud-sunod na malalaking isyu, lalo na ang anomalous flood control projects.
Ayon sa economist na si Prof. Astro del Castillo, maaaring mawalan ng tiwala at kumpyansa ang mga investor sa bansa dahil sa pagputok ng isyu ng katiwalian sa infra projects.
Bagama’t ilang linggo nang nag-iinit ang ulo ng taumbayan dahil na rin sa kagustuhan na maibalik ang ibinayad nilang tax, sinabi ni Prof. Astro na mayroon namang idinulot na maganda ang mga nagkalat na isyu sa kamalayan ng mga Pilipino.
Samantala, katulad ng marami, hiling din ni Prof. Astro na maging maganda ang pagsasara ng isyu na nag-ugat sa baha, na noong una pa lang ay nakontrol na sana kung tamang tao lang ang naghawak ng mga proyekto.
Kung inaalala niyo naman ang kahihinatnan ng ekonomiya ng bansa, aba dapat lang na isipin niyo rin ito katulad ng tax na binabayaran niyo.
Dahil kung babagsak ang ekonomiya, panibagong hamon na naman ang haharapin ng mga Pilipino at sa pagkakataon na yon, mas malaki at mas mabigat ang papasanin nating lahat.
Pero ayon kay Prof. Astro, kung sakali man na may magandang kahihinatnan ang mga imbestigasyon at rally na isinasagawa hinggil sa paglaban sa katiwalian, may posibilidad pa aniya na manumbalik ang kumpyansa ng mga investor sa Pilipinas.