Pansamantala lang umano ang pagpapatigil sa paggamit ng AstraZeneca vaccine sa Pilipinas matapos mapaulat na nagkakaroon ng pamumuo ng dugo ang mga natuturukan nito.
Ayon kay Dr. Rontgene Solante, infectious disease specialist at miyembro ng vaccine expert panel ng bansa, kasama talaga sa proseso ng pagbibigay ng emergency use authorization (EUA) kung saan kapag mayroon makitang “safety signals” ay maaari ulit dumaan sa pagsusuri ang bakuna upang matiyak kung ligtas pa rin ba itong gamitin.
Kaugnay nito, ipinabatid din ni Solante na ang mga nakatanggap na ng unang dose ng AstraZeneca vaccine at walang anomang naranasang kumplikasyon ay maaaring magpatuloy sa paggamit ng naturang bakuna.
Una rito, hinikayat ng Europe’s medicine regulator ang mga bansa na ipagpatuloy ang paggamit ng AstraZeneca dahil mas matimbang pa rin umano ang benepisyong makukuha rito para laban ang COVID-19.