Katulad ng ibang medical courses, madugo at matagal din ang pag-aaral ng dentistry, lalo na at buhay ng ibang tao ang reponsibilidad mo rito. Pero ang pamilya na ito mula sa Czech Republic, wala na ngang lisensya bilang mga dentista, nagpapatakbo pa ng clinic! Ang mas matindi pa riyan, bumabase lang ang mga ito sa mga online tutorials para magsagawa ng procedures.
Kung ano ang kinahinatnan ng mapanlinlang na pamilyang ito, eto.
Arestado ang isang pamilya mula sa Havlickuv Brod na matatagpuan sa Czech Republic matapos mabisto ng mga pulis na dalawang taon na palang nagsasagawa ng dental procedures ang mga ito sa kanila mismong bahay.
Ayon sa mga otoridad, nagpapanggap bilang dentista ang 22-anyos na anak at nakapagsagawa na ng tooth extraction, root canals, at nagbibigay ng anaesthesia.
Kung titingnan ay tila isa itong tunay na dentistry professional pero gumagamit lang umano ito ng online tutorials bilang basehan at gabay sa pagsasagawa ng procedures.
Kasama ng anak ang kaniyang 50-anyos na nanay na siyang nagsu-supply ng mga kagamitan sa kanilang clinic katulad ng mga anaesthesia, fillings, cleaning powder, glue, at impression materials dahil dati itong nagtrabaho bilang isang nurse.
Habang ang 44-anyos na tatay naman ang nagsagawa noon ng mga dental prosthetics.
Sa dalawang taong pagpapanggap ng pamilya, kumita lang naman sila ng four million czech koruna o mahigit sampung milyong piso.
Pero ang pagpapasarap sa buhay ng pamilyang ito, naputol na kamakailan lang matapos silang maaresto at mapatunayang guilty sa mga kasong money laundering, attempted assault, drug dealing, operating an illegal business, at theft, at mahaharap sa walong taong pagkakakulong.
Sa mga manloloko riyan at gusto lang kumita ng easy money, itatak niyo sa isip niyo na ang karma, bigla-bigla na lang umaatake at triple pa ang balik.