Ang U.T.I. o Urinary Tract Infection ay kadalasang nagmumula sa bacteria na Escherichia coli o E. coli, na nakakapasok sa pantog o bladder at sa urethra. Kumpara sa mga lalaki, mas madalas magkaroon ng U.T.I. ang mga babae dahil mas malapit ang urethra ng mga babae sa kanilang puwit kung saan nanggagaling ang E. coli na normal na nagmumula sa dumi ng tao.
Kabilang sa mga sintomas ng nasabing sakit ang masakit at mas madalas na pag-ihi, dugo o nana sa ihi, mas mapanghing ihi, pagmamadali sa pag-ihi, kaunting paglabas ng ihi, masakit na pakikipagtalik, at pagsakit ng puson. Maaari namang malunasan ang U.T.I. sa pamamagitan ng pag-inom ng antibiotics tulad ng nitrofurantoin, sulfonamides, amoxicillin, cephalosporins, doxycycline, at ciprofloxacin.
Maaari namang maiwasan ang pagkakaroon nito sa pamamagitan ng pag-inom ng anim hanggang walong basong tubig kada araw, ugaliing linisin nang maigi at maayos ang genital area, umihi bago at pagkatapos ng pakikipagtalik, at dalasan ang pagpalit ng napkin tuwing may buwanang dalaw. Paalala: sakali mang lalala ang sintomas, magpakonsulta na sa doktor.