Bilang pagpapatibay sa Diversity and Inclusion Program (DIP) ng bansa, inilabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Executive Order (EO) No. 51. Sa bisa ng naturang kautusan, muling bubuuin ang Inter-Agency Committee on Diversity and Inclusion at lilikha ng special committee para sa mga kababayan nating miyembro ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer, Intersex, and Asexual (LGBTQIA+) community.
Agad naman itong sinuportahan ng ilang civil rights group at ahensya ng gobyerno.
Sa isang Pride event sa Malacañang noong Hunyo, personal na inirekomenda ni LGBT Pilipinas national president Dindi Tan ang pagbuo ng isang komite na nakatuon sa mga isyu ng LGBTQIA+ community. Masaya namang tinanggap ni First Lady Liza Araneta-Marcos ang ideyang ito, na kumpiyansang tutuparin ng Pangulo ang kahilingang ito.
At nitong December 23, 2023 nga, tuluyan nang tinupad ni Pangulong Marcos ang nasabing request bilang tugon sa patuloy na diskriminasyon na nararanasan ng mga Pilipinong miyembro ng LGBTQIA+ community.
Pangungunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang Special Committee on LGBTQIA+ Affairs. Magsisilbi naman bilang co-chair ang mga kalihim ng Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Labor and Employment (DOLE). Magiging vice chair naman nito ang kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Magiging miyembro rin ng komiteng ito ang secretaries at chairpersons ng Department of Education (DepEd), Department of Justice (DOJ), Department of Health (DOH), Commission on Higher Education (CHED), at Special Committee on LGBTQIA+ Affairs.
Ayon kay Pangulong Marcos, patuloy na gagampanan ng komite ang mga obligasyon nito sa ilalim ng existing mandates. Maaari silang lumikha, magpulong, at mag-reorganize ng sub-committees at working groups upang makatulong sa kanilang mga tungkulin.
Para kay Director Tan, dream come true kung ituring ng community ang development na itong pinakauna sa kasaysayan ng Pilipinas.
Sa paglikha ng Special Committee on LGBTQIA+ Affairs, naipakita ang commitment ni Pangulong Marcos sa pagkakaroon ng inclusivity at equality para sa lahat ng Pilipino, anuman ang iyong sexual orientation o gender identity.