Ininspeksyon ni Philippine National Police Chief Director General Oscar Albayalde ang mga tindahan ng paputok sa Bocaue, Bulacan kaninang umaga.
Ito ay bilang bahagi ng paghahanda ng PNP, tatlong araw bago ang pagsalubong sa bagong taon.
Ayon kay Albayalde, nais niya matiyak kung mahigpit na nasusunod ang mga itinakdang panuntunan sa pagbebenta at paggawa ng mga paputok.
Kabilang sa ipinalabas na listahan ng pnp ng mga ipinagbabawal na paputok ang piccolo, watusi, super lolo o lolo thunder, atomic triangle, judas belt, bawang, pillbox, boga, kwiton, goodbye earth, goodbye bading, hello columbia, coke-in-can, kabasi at iba pang mga paputok na walang pangalan.
Una nang pinaalalahanan ng PNP ang publiko na huwag nang bumili ng mga ipinagbabawal na paputok para maiwasan na rin ang disgrasya sa pagsapit ng bagong taon.